SA tuwing babahain ang Metro Manila, tulad ng naranasan natin kamakailan, bumubulaga sa atin ang tone-toneladang basura na bumabara sa mga estero at iba pang daanan ng tubig. Siyempre, gobyerno ang madaling sisihin. Sinabi pa naman ni Presidente BBM sa kanyang SONA bago mangyari ang pagbaha na mahigit sa limang libong flood control projects ang natapos na at ginugulan ng bilyung-bilyong pisong pondo.
Ano nga kaya ang nangyari sa mga proyektong ito? Nagastos ba nang maayos ang pondo? O may kumita nang malaki? Hintayin natin ang magiging resulta ng pagdinig na balak isagawa ng Senado. Totoong malaki ang pananagutan ng gobyerno sa nararanasan nating pagbaha, pero malaki rin ang pananagutan ng bawat mamamayan. Tayo kasi mismo ang problema. Hindi natin mahahadlangan ang kalikasan, tulad ngayon na tayo’y nasa panahon ng La Niña na inaasahan ang malalakas na bagyo na magreresulta sa malawakang mga pagbaha, pero mahahadlangan natin ang kawalang-malasakit natin sa kalikasan.
Plastic ang isang matinding kalaban ng kalikasan. Alam n’yo ba na ang Pilipinas ang nangunguna na ngayon sa buong mundo sa dami ng itinatapong plastic sa karagatan? Ang mga plastic na ito’y nanggagaling sa mga ilog na tinatapunan ng plastic. Ang Pasig River ang pinakamarumi at pinaka-polluted na ilog sa buong mundo.
Taun-taon, 2.7 milyong tonelada ng plastic ang basura natin. Saan nanggagaling ang mga plastic na ito? Ang isang malaking pinanggagalingan ay ang mga sachets bilang resulta ng ating “sachet economy.” Sapagkat tayo’y mahirap na bansa, marami sa atin ay walang kakayahang bumili nang maramihan. Sinamantala ito ng mga food manufacturers sa pamamagitan ng paglalabas ng mga produktong naka-sachet o naka-tetrapack—shampoo, sabon, toothpaste, mantika, gatas, kape, juice, lahat na yata. Dahil dito, 163 milyong piraso ng sachets ang nagiging basura natin araw-araw.
May mga batas naman tayo kontra pagtatapon ng basura. Pero ang problema’y ang pagpapatupad nito. Kung saan may nakapaskil na “Bawal Magtapon ng Basura”, doon maraming nakatambak na basura. Ang kulang sa atin ay ang kultura ng pagmamalasakit sa mga publikong ari-arian na tulad ng kalsada, ilog, estero, at iba pa.
Malayo sa ating kamalayan na ang mga ito’y atin kung kaya’t dapat nating pagmalasakitan. Sana, maging mapagmalasakit tayo sa kalikasan. Sana ang pagmamalasakit na ito ay bunsod ng konsensya, sa halip na dahil lamang sa takot na mahuli. Kung itong huli ang palagiang mangingibabaw sa ating isipan, gagawin natin ang mali kung walang tsansang tayo’y mahuhuli.
Sa subdivision kung saan ako nakatira, napansin ko na sa basketball court na pinaglalaruan sa hapon at gabi ng mga kabataang nakatira rito, nagkalat kinabukasan sa paligid ng court ang mga plastic na pinag-inuman ng malamig na tubig at tetrapack ng mga juices. Wala raw kasing mga basurahan.
Sa pamamagitan ng homeowners’ association, napakiusapan ang developer na maglagay ng mga basurahan sa apat na sulok ng court. Pero sa kabila nito, nagkalat pa rin ang mga basura dahil hindi naman itinatapon sa mga basurahan. Ibig sabihin, ang problema’y nasa pag-uugali ng mga naglalaro. Hindi nila iniisip na responsibilidad nila na itapon ang basura sa mga basurahan.
Napakaraming basura na dapat nating itapon. Itapon na natin ang basura ng kawalang-pagmamalasakit sa kalikasan. Dahil kung hindi, tayo ang itatapon ng kalikasan bilang mga basura.