(Part 2)
WALA akong hilig sa pagtatanim lalo na ng niyog na ipinag-uutos ng aming ama. Lima kaming magkakapatid na pawang lalaki. Para kay Tatay, ang niyog ang “puno ng buhay” kaya walang ibang itatanim sa aming malawak na lupain kundi niyog lamang.
Dahil pursigido ang aming ama na pawang niyog ang itatanim, tuwing Sabado at Linggo ay nagtatanim kami ng tig-sampung puno ng niyog. Lahat ng mga may puwang o namatay sa hilera ng niyog ay kailangang taniman ng panibago. Ang itatanim namin ay ang tinatawag na tubuan. Ang tubuan ay mga bagong suwi niyog na kasingtaas ng hita. Kailangang malalim at matibay ang pagkakatanim ng tubuan para hindi matumba. Maghuhukay muna kami ng hanggang tuhod at saka itatanim ang tubuan.
Habang ang mga kapatid ko ay madaling nakakatapos sa pagtatanim ng sampung tubuan, ako ay lima lamang. Nawili kasi ako sa paliligo sa ilog na di-kalayuan sa aming niyugan.
Bagot na bagot ako sa pagtatanim ng niyog. Para sa akin, hindi mahalaga ang niyog. Wala akong interes.
Madalas akong mapagalitan ni Tatay dahil sa pagbalewala sa niyog na nagbibigay sa amin ng ikabubuhay. (Itutuloy)