Saan maaring isampa ang kaso?

Dear Attorney,

Puwede po bang sa probinsya­ mag-file ng kaso kahit dito po sa Maynila nagkapirmahan ng kontrata? Hindi kasi sumunod sa kasunduan ang kausap ko at gusto ko po sanang mabawi ang aking ibinayad.—Kevin

Dear Kevin,

Kung wala namang kinalaman sa lupa at iba pang real property ang kasong gusto mong isampa at ang tanging habol mo lamang ay ang mabawi ang halagang iyong ibinayad, maari mong isampa ang kaso sa probinsya, basta’t doon ka nakatira at walang nakalagay na limitasyon sa inyong kontrata ukol sa pagpili ng venue ng kaso.

Ayon sa Section 2, Rule 4 ng Rules of Civil Procedure, maaring isampa ang mga tinatawag na personal actions sa (1) lugar kung saan nakatira ang nagreklamo; (2) lugar kung saan nakatira ang inirereklamo; at (3) lugar kung saan man mata­tagpuan ang isang nonresident. Ang plaintiff o ang nagrereklamo ay maaring mamili sa tatlong option na ito kung saan niya isa­sampa ang kaso.

Isang halimbawa ng personal action ang paghahabol ng halagang ibinayad kaya maari mong isampa ang kaso sa pro­binsya kung ikaw o ang inirereklamo mo ay doon nakatira.

Katulad ng nauna kong nabanggit, kailangan mo lang siguraduhin na walang probisyon sa kontrata ninyo na naglilimita kung saang korte maaring magsampa ng kaso ang mga partido. Kung mayroon ay kailangan mong sundin ang nasabing probisyon at magsampa lamang sa mga venue o korte na pinapayagan sa ilalim ng kontrata.

Show comments