Anim na taong gulang ang batang babae. Sanggol pa siya nang lumipat ang pamilya niya sa aming lugar. Isang umaga habang nagdidilig ako ng aming halaman, nagitla ako nang may nagmura—Pu....ina n’yo!
Boses ng batang babae at natiyak ko na siya iyon, ang anim na taong gulang na batang babae na nasubaybayan ko ang paglaki mula sa pagiging sanggol. Malinaw kong narinig dahil naroon ang bata sa kanilang veranda. Hindi naman kalakihan ang aming kalye. Kaya kapag nagsalita nang malakas ang mga kapitbahay, siguradong magkakarinigan kami sa isa’t isa. Napa—hesusmaryosep ako! Ke bata-bata pa ay napakalutong nang magmura.
Iba ang set-up ng pamilyang kinalakhan niya. Noong lumipat sila sa aming lugar, ang kasama lang niya sa bahay ay matandang yaya, tiyahing 8 taong gulang at lolo. May lola pa siya pero padalaw-dalaw lang sa bahay. Kanino niya natutuhan ang pagmumura?
Palagay ko, sa pinakauna niyang yaya na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay laging namumutawi ang mura sa kanyang bibig. Kaunting iyak ng baby, mura. Kaunting pagkakamali ng tiyahing walong taong gulang, mura. Minsan ay naasar na ‘yung tiyahin, sinagot ang yaya:
Bakit ba ang sungit-sungit mo, e, katulong ka lang naman!
Hayun, kaya nalaman kong kasambahay lang pala na noong una ay inakala kong lola ng mga bata. Pinatulan ng matanda. Nasaktan siguro sa sinabi ng bata. Kaya naglitanya ang matandang yaya:
“Hoy, pinakiusapan lang ako ng iyong ate dahil walang mag-aalaga dito sa pamangkin mo. Hindi siya makakapag-abroad kung hindi ako pumayag na mag-alaga dito sa pamangkin mo. Kahit ako hindi mamasukan sa inyo ay may nagsusustento sa akin na mga anak ko. Grade 2 ka pa lang, ang sakit mo nang magsalita! Wala kang galang sa matanda.”
Halatang ipinaririnig sa mga kapitbahay ang argumento ng yaya. Hindi nagtagal ay pinalayas ang yaya. Marami pang humaliling yaya. Ang kasalukuyang yaya ay naririnig kong nagmumura. Minsan ay nagmumura din ang Lola.
Nabasa ko sa isang artikulo, ang puso raw ng mga bata ay maihahalintulad sa isang blangkong papel. Habang lumalaki siya ay unti-unting nagkakaroon ng sulat sa papel. Ito ay ‘yung mga impresyong nakukuha niya mula sa mga salitang binibitawan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Ang mga salitang ibinato sa kanya noong kanyang formative years ang pinagmumulan ng kanyang sense of identity, capability at self-worth.
Ang boses ng matatanda na kumakausap sa bata ang nagiging “inner voice” niya. Dito sa “inner voice” na ito natutuhan niya kung paano makipa-communicate sa ibang tao. Kung palamura ang matatandang nakapaligid sa kanya, huwag nang magtaka kung ang salitang “put....ina’’ ay maging bulaklak na lang ng dila ng isang anim na taong gulang na bata.