ILANG beses na rin ako nakakatanggap ng text scams sa aking cell phone. Mga message na nagsasabing makakatanggap ako ng milyong halaga ng pera. May kasama itong link na sinasabi ng scammer na kailangang pindutin at buksan para makuha ko ang sinasabing pera at paano ito makukuha. Pero hindi ko pinapatulan at hindi ko sinasagot ang text dahil, bukod sa hindi ko kilala ang numero ng nagpadala ng text, agad kong hininala na isa itong scam o panloloko.
Ang nakakaduda, paano nalaman ng scammer ang una kong pangalan at inisyal ng apelyido ko? Gayunman, ang gamit kong cell phone ay yung lumang klase na kasingliit ng palad, nasa labas ang keypad, walang wifi o internet connection, merong camera pero napakababa ng resolusyon at lubhang mababa ang memory.
Sa cell phone na ito nakakabit ang pangunahing numerong ginagamit ko (at hindi sa isa kong makabagong smartphone na merong wifi) kaya wala akong nakikitang paraan kung paano ito mabubulatlat ng scammer. Ang nakakapagtaka, natukoy ng scammer ang numero at pangalan ko.
At hindi pala ako lang ang nabiktima ng text scam na ito. Marami na rin pala. Napaulat nga na kasalukuyang iniimbestigahan at mino-monitor ng National Privacy Commission ang mga insidente ng spam o unsolicited text messages na naglalaman ng pangalan ng subscribers o ng recipient.
Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad at ng mga eksperto ang publiko na huwag masyadong magbahagi ng mga personal na impormasyon sa internet at mag-ingat laban sa pagsagot sa scam texts dahil ang mga personal information ng mga cellphone subscriber ay maaaring makarating sa mga scammer sa pamamagitan ng data breaches na ibinebenta sa dark web.
Sinabi ng isang opisyal ng NPC na nakipagpulong na ang kanilang ahensiya sa mga telecommunication provider para pag-ibayuhin ang kanilang technological at security safeguard tulad ng pag-block sa mga numero para masawata agad ang naturang mga text scam.
Ayon naman sa NortonLifeLock, bukod sa nakakainis, ang mga spam text ay naglalagay sa isang cell phone user sa panganib sa identity theft, malware infections, at ibang kumplikasyon na nagbibigay sa hacker ng iyong personal information. Iligal ang magpadala ng unsolicited, spam o commercial text message sa iyong cell phone nang wala kang permiso.
Ipinahiwatig ng NortonLifeLock na spam ang isang text message na hindi mo kilala ang numero ng nagpadala nito at ang text ay walang kaugnayan anuman sa buhay mo kaya balewalain at ireport ito. Huwag iklik o buksan ang kahina-hinalang link sa text message dahil maaari itong magtaglay ng malware na magnanakaw ng iyong personal information.
Huwag sasagutin ang text dahil, kapag ginawa mo ito, matutuklasan ng spammer na tunay ang iyong numero at ibebenta nila ito sa ibang spammer na magpapadala sa iyo ng mga text na mangangako ng libreng regalo at produkto. Makabubuting i-block at ireport ang numero.
Ang pagklik naman sa isang link sa spam text ay maaaring magkabit sa iyong cell phone ng malware o dalhin ka sa isang website na makakapagnakaw sa iyong mga impormasyon. Kapag na-hacked ang cell phone mo, nababawasan ang buhay ng baterya at performance nito. Kapag nakuha ng spammer ang iyong impormasyon, ibebenta nila ito sa mga marketer o identity thief.
Kung aksidente mo namang naklik ang link, isara agad ang window, kapag napansing merong files na na-download sa iyong web browser, i-delete agad ito nang hindi binubuksan.
• • • • • •
Email: rmb2012x@gmail.com