Joke!

SIMULA 1999, may taga-rasyon na kami ng diyaryo araw-araw. Pero pagsapit ng 2008, bigla siyang tumigil sa pag­rarasyon. Mga apat o limang subdivision na magkakatabi ang kanyang nirarasyunan kaya nakakahinayang ang pinakawalan niyang kita. Daig pa niya ang may newstand sa palengke na walang kaseguruhan ang dami ng maibebentang diyaryo. Samantalang siya ay sigurado na ang kikitain per day.

Pagkalipas ng isang buwan ay may nakilala kami na nagprisintang magrarasyon sa amin ng diyaryo kaya simula noon hanggang sa kasalukuyan ay siya na ang aming suki sa diyaryo.

Noong nakaraang linggo ay may ipina-repair kami sa aming sasakyan sa isang talyer na matatagpuan sa katabing subdivision. Habang ginagawa ang sasakyan ay nakipagkuwentuhan ang aking mister sa may-ari ng talyer. Napag-alaman nito na nirarasyunan din pala ng diyaryo ang may-ari at iisa lang ang aming newsboy. Sa  patuloy na kuwentuhan, nabanggit ng may-ari ng talyer na ang dati raw niyang taga-rasyon ay tumama ng jackpot sa lotto kaya tumigil na sa pagiging newsboy.

Kinabukasan, tinanong ng aking mister ang aming newsboy kung sino sa mga dati nitong kasamahan ang tumama sa lotto.

“Wala Kuya. Bakit?”

Ikinuwento ng aking mister kung paano niya na-scoop ang lumang balita. Napatawa ang newsboy.

“Ang binabanggit ng kausap mo Kuya ay ‘yung nauna mong newsboy. Tumigil siya ng pagrarasyon dahil nag-aplay siya ng trabaho sa gobyerno. Sinuwerte naman at natanggap. E, mabiro ang lokong ‘yun. Ang ipinagsabing dahilan sa mga suki ng pagtigil niya sa pagrarasyon ay tumama raw siya sa lotto. Hanggang ngayon ay marami pa rin ang naniniwala.”

Naalaala ko tuloy ang joke na nilikha ng aking tatay noong high school ako, 1974 — na tumama raw kami ng first prize sa Sweepstakes. May “drama” pang ginawa kaya paniwalang-paniwala ang mga nakasaksi. Kahit pa itanggi naming mag-iina ng ilang libong beses, mas lalong tumitindi ang paniwala ng marami na totoong tumama kami. Okey lang sana at positive tsismis ‘yun. Masarap sanang magkatotoo. Ang ikinatatakot namin ay baka rin maniwala ang mga kriminal at gawan kami ng masama. Ang tsismis-joke ay kusang “namatay” mula noong 1989 kasabay ng pagpanaw ng aking ama.

Show comments