MAY isang mayamang babae na sobrang mapagbigay. Kapag inutangan siya ng mga kaibigan ay hindi nagdadalawang salita ang mga ito at agad siyang nagbibigay.
Minsan ay nagkaroon ng sunog sa lugar ng mga squatter malapit sa kanyang tinitirhang subdivision. Walang natira kahit isang barung-barong kaya ang mga tao ay pansamantalang nakituloy sa isang lumang kapilya. Ang parish priest ng kanilang lugar ang humingi ng tulong sa mayamang babae para sa mga nasunugan. Hindi nabigo ang pari at nagbigay ang mayamang babae ng malaki-laki rin halaga. Bukod pa rito ang bigas at mga de latang pagkain.
Kinagabihan pagkatapos ng sunog ay biglang bumagyo. Bumaha sa paligid ng kapilya kung saan pansamantalang nakikituloy ang mga nasunugan. Nag-alala ang butihing pari sa kalusugan ng mga bata dahil pumasok na ang tubig sa kapilya. Gamit ang motorsiklo ay nagpunta kaagad ang pari sa mayamang babae. Nakiusap ito na baka puwedeng makituloy ang mga nasunugan sa kanyang malaking garahe. Dahil best friend niya ang pari ay mabilis na pumayag ang mayamang babae. Kaya’t noong gabi rin iyon ay nagsilipat sa garahe ng mayamang babae ang mga nasunugan.
Kinabukasan ay laking gulat ng mayamang babae nang makita niyang ang daming kalat na basura sa kanyang garahe at ang mga bata ay walang awang pinagpipitas ang kanyang mga tanim na bulaklak na galing pa sa ibang bansa. Napikon ang mayamang babae at nagreklamo sa pari. Sabi nito habang nandidilat ang mga mata:
“Bigay ako ng bigay pero ako ang napeperwisyo…I’m tired of giving Father, gusto ko nang huminto sa pagtulong.”
Nakangiting sumagot ang pari. “Sige, let’s make a deal. Hihinto ka sa pagtulong sa iyong kapwa kapag huminto na ang Diyos sa pagbibigay sa iyo ng tulong.”
Natigilan ang mayamang babae. Naalaala niya, kahapon lang ay masayang ibinalita ng kanyang staff na naibenta na ang lahat ng condominium units nila sa Mandaluyong. Ano na lang ba ‘yung halaga ng imported na flower plant na pinagpipitas ng mga bata, kumpara sa milyong halaga na kinita niya sa mga condo na naibenta?