Pinturang pangontra sa mga mahilig umihi sa pampublikong lugar, ginamit sa Germany

MALAKING problema sa siyudad ng Hamburg, Germany ang pag-ihi ng mga tao sa mga pampublikong lugar kaya nag-isip ang isang community group doon ng isang kakaibang paraan upang mapigilan ito.

Hindi kasi gumana ang mga pangkaraniwang paalala at babala ng mga multa na nakapaskil sa mga pampub­likong lugar kaya naisipan nilang gumamit ng isang kakaibang pintura na magdudulot sa ihi na tumalsik pabalik sa taong pinanggalingan nito.

Ang pintura na kanilang ginamit ay karaniwang inilalagay sa mga barko dahil pangontra ito sa tubig. Hydrophobic paint ang tawag sa pintura at tumatalsik ang tubig na tumatama dito kaya tamang-tama itong ipintura sa mga pader na nasa mga pampublikong lugar na madalas ihian ng mga tao. Sigurado kasing tatalsik pabalik sa tao ang kanilang ihi sakaling maisipan nilang ihian ang pader na may hydrophobic paint.

Gumagana ang hydrophobic paint sa pamamagitan ng nanotechnology na nagdudulot para sa pintura na magkaroon ng hangin sa paligid nito. Ito ang dahilan kung bakit tatalsik ang anumang likido na tatama sa anumang bagay na napinturahan ng hydrophobic paint.

Agad namang naging viral ang proyektong ito sa Hamburg at pawang positibo ang mga naging reaksyon dito. Sawang-sawa na kasi ang mga residente ng nasabing siyudad sa mapanghing amoy sa mga pampublikong lugar na dulot ng pag-ihi sa pader ng mga lasing na lalaking nanggaling sa mga kasiyahang isinasagawa tuwing gabi sa iba’t ibang parte ng siyudad.

Show comments