LUMULUTANG ang usapin hinggil sa panukalang humirit pa ng isang termino si President Noynoy Aquino.
Agad namang nilinaw ng Palasyo na wala silang kinalaman sa mga pagkilos na ito. Ang panawagan ay mula sa netizens partikular ang “One More Term: Re-elect P-Noy for President” upang maipagpatuloy daw ang mga nasimulang programa nito.
Totoong maikli ang anim na taong panunungkulan ng presidente dahil hindi maipatutupad ang mga naising proyekto. Subalit nakasaad kasi sa Saligang Batas na isang anim na taong termino lang ang para sa Presidente kaya hindi na puwedeng humirit si P-Noy ng ikalawang termino.
Kung maisusulong ang pag-amyenda sa Konstitusyon, pag-aralan na magkaroon ng pagkakataon na makahirit ng reelection tulad sa mga senador para matiyak na mabubuo ang mga programang nais ipatupad.
Kung papalpak naman ang isang nahalal na Presidente ay malamang na matalo ito sa reelection subalit kung maayos ang pamumuno ay malulubos ang dalawang termino na sapat na upang matapos amg lahat ng programang nasimulan. Subalit maisasakatuparan ito kung magkakaroon ng amyenda sa Konstitusyon at sana ay magkaroon ng two-party system na angkop sa sistemang presidential na umiiral sa bansa.
Samantala, normal na lang na lumutang ang posibilidad ng pagpapalawig ng termino dahil papatapos na ang termino ng Aquino administration. Ang nagpapalutang ng dagdag na termino sa Presidente ay mga indibidwal na nakikinabang sa kasalukuyang administrasyon. Madidiskaril kasi sila kapag natapos na ang termino.
Nangyari na rin ito sa pagtatapos noon ng Ramos administration. Pareho ang kasalukuyang sitwasyon dahil ang mga kandidato ng administrasyon ay mahina.
Noong Ramos administration, mahina ang kanilang kandidato sa katauhan ni Jose de Venecia kumpara sa oposisyon noon na si Erap Estrada at ngayon sa Aquino administration na hindi popular ang napapabalitang kandidato na si Mar Roxas kumpara sa oposisyon na si Vice President Jejomar Binay.