TAHIMIK na namumuhay si Dashrath Manji at kanyang asawa sa isang bulubunduking bahagi ng India. Pagpapastol ng kambing ang kanyang hanapbuhay. Isang araw noong 1959, nadulas ang kanyang asawa habang umaakyat ng bundok. Kinailangan itong itakbo sa ospital dahil malala ang pinsalang natamo. Ngunit dahil liblib ang kanilang lugar at walang diretsong daanan pababa ng bundok at patungo sa bayan, ikinamatay ito ng asawa ni Manji.
Dahil dito, ipinangako ni Manji sa sarili na wala nang makararanas na tulad nang sinapit ng kanyang asawa. Ibinenta niya mga alagang kambing at bumili ng mga kagamitang pang-uka sa lupa. Pagkatapos ay sinimulan niyang ukain ang bundok na kanyang tinitirhan upang makagawa ng shortcut na daan patungo sa kabayanan.
Umabot ng 22 taon ang pag-uka ni Manji at nagtagumpay siyang makagawa ng isang kalsada papunta sa pinakamalapit na bayan sa paanan ng bundok. Nakapaghukay siya ng isang daan na 30 talampakan ang lalim, 25 talampakan ang lapad, at 100 metro ang haba.
Nagsilbing shortcut ang daan na inukit ni Manji. Ang dating 45 milya na kailangang lakbayin mula sa kanyang tirahan pababa ng bundok ay naging apat na milya na lamang.
Sa kabila ng kagila-gilalas na kanyang nagawa, walang natanggap na tulong mula sa gobyerno ng India si Manji. Napansin lamang ang kanyang nagawa nang siya ay namatay na. Binigyan siya ng state funeral noong 2007 bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa. Ipinangalan sa kanya ang highway na ginawa at ang isang itatayong ospital bilang parangal sa kanyang kakaibang paglilingkod.