Sitsirya

SI Richard Montanez, isinilang noong 1958, ay mula sa mahirap na pamilya ng mga Latino sa North America. Noong nasa elementarya pa lang siya, kitang-kita na niya ang kaibahan ng kanyang buhay sa buhay ng kanyang mga kaklase. Ang mga kaklase niyang maykaya ay hatid at sundo ng yellow bus samantalang siya ay kailangang gumising ng maaga upang makahabol sa schedule ng green bus. Ang yellow bus ay school bus samantalang ang green bus ay public transportation.

Madalas niyang baon sa kanyang lunch ay burritos samantalang ang mga kaklase niya ay bacon sandwich. Ang burritos ay gumagamit ng tinapay na kasingnipis ng tinapay ng shawarma. Binibilot sa tinapay ang mixture ng gulay at karne na kagaya ng lumpia. Palibhasa ay isa lang siya sa kakaunting Latino sa school, nagtataka ang mga Amerikano niyang kaklase kung ano ang kinakain niya. Kung minsan ay hindi na siya kumakain dahil pinagtitinginan siya ng mga kaklase tuwing lunch at ayaw niya nang ganoon. Minsan ay naireklamo niya sa kanyang ina ang mga bagay na ito.

“Mama, puwede bang bacon sandwich na lang ang ipabaon mo sa akin? Nahihiya ako na burritos lang ang aking kinakain sa school.”

Napatawa ang kanyang ina. Sa halip na bigyan siya ng bacon sandwich, aba, dinoble ng kanyang ina ang ipinabaon na burritos. Ipatikim daw niya ang sobra sa mga kaklase para matikman nila kung gaano kasarap ang burritos. Positive naman ang resulta ng diskarte ng kanyang ina. Marami ang nasarapan at nagkaroon pa siya ng pagkakataong kumita dahil hiniling ng mga kaklase na magtinda siya ng burritos.

Hindi siya nakatapos ng high school kaya noong 1976, nagtrabaho siya bilang janitor sa pabrika ng Frito-Lay, kompanyang gumagawa ng sitsirya na kagaya ng potato/corn meal chips at cheese curls. Habang naglalakad, nakakita siya ng nagtitinda ng nilagang mais. Nilagyan ng tindero ang  mais ng cheese at binudburan ng chilli powder. Bumili siya para subukan ang lasa. Masarap pala ang kombinasyon ng cheese at chilli. Sinubukan niyang lagyan ng cheese at chilli ang cornmeal chips na ginagawa ng kanilang kompanya. Ang cornmeal chips na ginagawa nila ay asin lang ang nagbibigay ng lasa. Binudburan niya ito ng cheese at chilli powder. Ipinatikim sa mga kasamahan. Naging big hit ang imbensiyon niya.

Lakas loob niyang iprinisinta ang kanyang imbensiyon sa presidente ng kompanya na hindi naman nagdamot ng kanyang panahon para bigyan ng importansiya ang kanilang janitor. Nagustuhan ng Big Boss at iba pang executives ang lasa ng tinimpla ni Montanez. Isinilang noong 1981 ang nakatakdang magiging best-selling brand ng kompanya, ang Flamin’ Hot Cheetos.

                Kahit hindi nakatapos ng kolehiyo, umakyat ang career ni Montanez. Sa kasalukuyan ay Executive Vice President of Multicultural Sales and Community Activation for Pepsico North America. Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, wala man siyang formal education sa kolehiyo, ang kanyang kaalaman ay katumbas na ng PhD. At sasagutin iyon ni Montanez: “PhD na taglay ko kahit noong bata pa ako—Poor, hungry but Determined”.

Show comments