Kidnaper

BOOKSTORE. Nasa pinaka-mataas na shelf ang mga reviewers para sa iba’t ibang klaseng exam. Nanghahaba tuloy ang aking leeg sa paghahanap ng reviewer para sa aking pamangkin na kukuha ng entrance exam sa science high school. Abalang-abala ako sa paghahanap nang may marinig akong boses ng toddler na parang nagtatawa. Ibinaba ko ang aking tingin—isang batang babae na marahil ay 3 or 5 taong gulang ang nakatingin sa akin at nakangiti. Mahirap hulaan ang edad ng bata dahil ang tingin ko sa kanya ay pang-tatlong taon ang height pero matured na ang hitsura ng mukha. Sinuklian ko rin ng ngiti ang bata sabay sabing: “Hello baby!”

Natuwa siguro at humagikhik ito. Nag-comment ako ng “Ay, tinawanan ako!”.  Bigla akong tinapunan ng masamang tingin ng babaeng katabi ko na sa tantiya ko ay ina ng bata. Ang ina ay may hinahalungkat sa ibabang shelf. Pagkatingin sa akin nang masama ay nagsalita ito nang malakas na halatang ipinaririnig sa akin. Ang kinausap niya ay ang isang kasamang anak na babae na nasa sampung taong gulang: “Hoy (nakalimutan ko ang pangalan), bantayan mo ang kapatid mo!” Tapos tinapunan muli ako ng tingin na parang inginunguso ako doon sa anak.

Napatawa ako. Lintik, pinaghinalaan pa akong kidnaper. Nakita ko ang librong kailangan ko pero nasa pinakamataas na shelf. Kinausap ko ang saleslady sa English. Nagpatulong ako na kuhanin ang reviewer sa itaas. Habang kinakausap ko ang saleslady ay titig na titig sa akin ang batang 10 taon. Nag-English ako at sadya kong ipinarinig para ipamukha ko sa batang ito na mas mukha pang kidnaper ang kanyang ina kaysa akin.

Pagpunta ko sa food court, may baby na naman na ngumingiti sa akin. Karga siya ng ama. Nasa likod nila ako. Iniiwas ko ang aking mata. Mahirap na.

Show comments