MABILIS pa sa alas kuwatrong kumilos si MPD director Chief Supt. Alex Gutierrez laban sa pa-bingo ng kampo ng tandem nina Erap Estrada at Isko Moreno, subalit usad-pagong sila sa video karera ng mag-asawang Romy at Tina Gutierrez at pa-bookies ng karera ng tropa ni SPO4 Gener Presnedi alyas Paknoy at alyas Jeff sa Sampaloc. Hindi consistent si Gen. Gutierrez, di ba mga kosa? Pinatunayan naman ng prosecutor’s office na walang sugal sa pa-bingo nina Erap at Isko. Sinabi rin ng Comelec na walang nilabag na batas o early campaigning ang ginawa nila. Ang ibig kong sabihin, nagsayang lang ng oras at pondo ng PNP ang tropa ni Gutierrez. Kung ang video karera ng mag-asawang Gutierrez o ang pa-bookies nina Paknoy at Jeff ang kinana nila, hindi sana nasayang ang pagod nila. Tiyak may accomplishment ang MPD at hindi yung napahiya na nga sila eh nakasuhan pa. Kaya dapat simbilis din ang kilos ng MPD dito laban sa nagkalat na video karera at pa-bookies sa Kamaynilaan para masabi ng sambayanan na wala silang kinikilingan pagdating sa illegal na sugal. Porke ba’t kumpare ni Romy itong idol ko na si Mayor Alfredo Lim, hindi na magalaw-galaw ng MPD ang illegal nitong negosyo?
Bumibili pala ng bingo card na tig-sampung piso ang mga residente sa kanilang barangay kung saan idinadaos ang pa-bingo. Wala namang taya rito, subalit ang mga premyo ay mga appliances kaya’t dinudumog ito. Ang masama lang, merong pangalan nina Erap at Isko sa likod ng card kaya sa biglang tingin parang nangangampanya na ang dalawa. Kaya umentra ang MPD at samu’t saring kaso ang ibinato sa kanila. At hindi naniniwala ang kampo nina Erap at Isko na walang basbas ni Lim ang ginawang pagsalakay ng MPD sa pa-bingo nila. Kahit ano pa ang sabihin nila, itong pamilya ng yumaong Federico “Moro†Jaymalin ay itong idol ko pa rin ang susuportahan. Go, go, go, Mayor Lim!
Sa nangyaring sigalot na ito, ang naiwang tulala ay ang kapulisan. Marunong din naman itong kampo ni Erap at Isko. Sa pagsampa nila ng kaso sa Napolcom, Ombudsman at iba pang sangay ng gobyerno, ang mapapahirapan dito ay itong sina Gutierrez, Station 3 commander Supt. Ric Layug, Sr. Insp. Ed Morata at mga kasamahan nilang pulis. Sa pagretiro kasi ni Gutierrez sa Abril, tiyak mahihirapan siyang makakuha ng retirement benefits sa PNP kapag may kaso siya. Kapag nanalo naman si Erap sa May elections, sina Layug, Morata at mga kasamahan ay tiyak outside ng Metro Manila ang assignment nila. Paano na lang kung manalo pa si Vice Pres. Jojo Binay sa pagka-presidente sa 2016. Nakupooo! Sa pagkakataon na ‘yun, sina Layug at Morata ay hindi masyadong iindahin ang delubyo na inabot nila dahil malaki ang suweldo nila. Paano ang mga mababang ranggo, lalo na ang PO1? Kapag napalayo sila sa kanilang pamilya, tiyak doble ang gastos nila at isama na ang pagka-homesick nila. Kaya walang win-win situation ang mga pulis sa sigalot na ito. Sana kung ang video karera ng mag-asawang Gutierrez at pa-bookies ni Paknoy at Jeff ang ni-raid nila, tiyak wala silang kasong hinaharap sa ngayon. Baka nagka-pitsa pa sila. Get’s n’yo mga kosa? May karugtong!