MATARAY at palaban kung titingnan ang ginang na nagsadya sa amin. Sa kanyang tindig at postura, hindi mo masasabing siya’y 74-anyos na. Siya ay si Teodora “Doring” dela Cruz ng Sampaloc, Manila. Inilalapit niya ang kasong ‘Attempted Homicide’ at ‘Malicious Mischief’ sa aming tanggapan. Ang kanyang apo sa pamangkin ang kanyang inirereklamo na si Dunhill Pilambato. Pinaulanan daw ng bato ang kanilang bahay at pinagbantaan silang papatayin. Ang kanyang mister na si Cesar ang pinag-iinitan umano ng kanyang mga kamag anak. Limang dekada nang kasal sila Doring at Cesar. Wala raw naging kagalit si Doring dahil miembro siya ng “El Shaddai”. Ang nanay daw ni Dunhill na si Cecille Pilambato ay kanyang pamangkin. Lahat daw ng bisyo ay meron ang kanyang apo na si Dunhill, 30-anyos. Hindi raw ito kayang kontrolin ni Cecille. Noon naman daw ay maayos ang kanilang pamilya. Nagbibigayan ang kanilang angkan. Nagsimula lamang daw ang hidwaan noong taong 2006. Ang ginawa ni “Amang”, tatay ni Dunhill ay umutang kay Cesar ng pera. Gumamit daw ito ng ibang pangalan. “Pinalabas niya na may ibang taong umuutang pero sa kanya pala yun napupunta. Siya ang nakikinabang,” sabi ni Doring. Tatlong bahay lang ang pagitan ng bahay nila Cesar at Amang. Nadiskubre ni Cesar ang modus umano ni Amang nang makasalubong ang isa sa may utang. Sinita ito ni Cesar kung bakit hindi nagbabayad. Sumagot daw ang lalaki ng, “Wala naman po akong utang sa inyo ha!”. Dun natuklasan na gawa-gawa lamang ni Amang ang lahat. Nagalit si Cesar at kinumpronta si Amang. Nag-away lamang sila.
Mula noon ay nabahiran na ang magandang relasyon na meron sila dahil sa nasirang tiwala. Hindi na sila nagkibuan. Nasundan na naman ito noong taong 2009. Nag-uusap si Cesar at ang kanyang kaibigan na si “Monching”. Tungkol sa pelikula na ang pamagat ay “Armored” nang biglang dumaan si Dunhill. Ilang minuto ang lumipas nagulat na lamang daw sila nang sumugod si Cecille at Amang. “P4+@ng !#8 mong matanda ka! Hindi ka pa mamatay!”, sabi raw ni Cecille kay Cesar. Tinanong nila kung bakit ito nagagalit. Nagsumbong daw kasi si Dunhill na siya ang pinagkukwentuhan nila Cesar. Pinamamalita raw ni Cesar na hoholdapin ni Dunhill ang ‘armored car’, ang agency kung saan nagtatrabaho si Dunhill bilang ‘security guard’. Ang ginawa ni Monching ay kinuha ang tape ng pelikulang Armored. Pinaliwanag niya na yun ang kanilang pinag-uusapan. Napahiya raw ang mga ito kaya tumigil. Ikinuwento ni Cesar kay Doring ang pangyayari. Wala na raw galang ang mga ito kaya lalo nang hindi naging maayos ang relasyon nila. Mas lumala pa ito nang magwala daw si Dunhill noong ika-5 ng Agosto 2012, bandang alas- 11:00 ng gabi. Kumatok daw ito at nagsisigaw ng “Cesar!”. Nagpupumilit si Dunhill na pumasok sa kanilang bahay dahil gusto raw nitong makipagbati.
“Gabi na, lasing pa siya at alam naming manggugulo si Dunhill. Takot kaming mag-asawa kaya hindi namin siya pinapasok,” sabi ni Doring.
Nagalit daw si Dunhill. Pinipilit na buksan ang pinto. Naglabas ng balisong at nagsisigaw ng, “Papatayin ko kayo! Mga P3+@&% I6# ninyo!” Binalewala nila ito ngunit uminit ang ulo ni Dunhill at pinaulanan sila ng malalaking bato. Pumasok ang mga bato sa kanilang terrace. Nagtago ang mag-asawa sa takot na sila ay mabato. Natamaan ang isang ‘cellphone’ na Nokia Express Music na ‘touch screen’ na ang halaga ay Php10,000. Mabuti na lamang daw at tinulungan sila ng mga kapitbahay at tumawag ng barangay. Hindi raw sumipot si Dunhill sa barangay kaya binigyan sila Doring ng ‘Certificate to file action’. Isinampa nila sa Prosecutor’s Office ng Manila ang kasong ‘Attempted Homicide’ at ‘Malicious Mischief resulting to damage to property’. Ayon kay Doring, meron pa raw ibang kaso na kinakasangkutan si Dunhill. Nagtatago raw ito dahil ‘wanted’ para sa kasong pagbebenta ng nakaw na tricycle. Habang naghuhugas ng gamit sa karinderya ni Cecille ay nahuli si Dunhill ng mga pulis at pinakulong. Ayon pa kay Doring, kapag naghi-hearing daw sila ay hindi sila nagkakaharap basta na lamang daw natapos nang walang abiso. “Nitong huling hearing namin nung Nobyembre, sinabi lang ng Judge na basta raw pag inamin ni Dunhill ang kasalanan niya ay magmumulta lang siya ng Php200,” kwento ni Doring. Nagtanong si Doring at napataas ang boses dahil sa pagkabigla. “Two hundred (Php200) lang judge?”. Hinampas daw ng Judge ang malyete (gavel) at sinabing si Doring pa raw ang ipapakulong. “Matanda na ako! Isipin n’yo ako na ang agrabyado ako pa ang papakulong kaya sobrang sama ng loob ko,” sabi ni Doring.
Ayon sa resolusyon na natanggap nila Doring noong ika-10 ng Pebrero, 2012, na-downgrade ang kasong Attempted Homicide sa Unjust Vexation. Ang kaso naman na ‘malicious mischief’ ay pinapawalang-bisa rin ng piskalya na pinirmahan ni Asst. Prosecutor Dennis Aguila. Hindi masaya ang mag-asawang Dela Cruz kaya nag-apila ang kanilang abugado at nagsumite ng “Motion for Partial Reconsideration”. Hinihiling nila na huwag isantabi ang kasong Attempted Homicide dahil ang intensyon daw ng pambabato ni Dunhill ay tamaan ang mag-asawa ng mga lumilipad na bato dahil ayaw nitong buksan ang pinto. Dinala sa amin ni Doring ang kopya nito dahil hindi raw niya ito maintindihan. Ang pagkakaalam daw niya ay balewala na ang kanyang naisampang kaso at ‘dismissed’ na raw ang mga ito. Nais niyang maliwanagan tungkol dito kaya siya nagsadya sa amin.
Itinampok namin ito sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00–4:00 ng hapon). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang hindi ko maintindihan ay bakit ‘motion for partial reconsideration’ at hindi ‘motion for reconsideration’ ang isinampa na kaso ng abugado nila Doring gayung ang kanyang hinihingi ay ibalik ang dating demanda dahil hindi katanggap-tanggap na naibaba mula sa ‘Attempted homicide’ sa Unjust Vexation (pang-aasar) at ang ‘malicious mischief’ ay na-dismiss. Nais ko rin tanungin ang kagalang- galang na hukom na hindi ba malinaw sa mga litrato ang mga nabasag na salamin ng bintana at nasira ang cellphone. Hindi ba’t maliwanag na pasok yan sa ‘Malicious Mischief resulting to damage to property’ dahil may mga nawasak na kagamitan sa bahay? Nagtatanong lang your honor. Tungkol naman sa sumbong ni Doring na siya ay pinatahimik nang kwestiyunin niya ang Php200 multa, normal lamang ang ginawa ng huwes dahil hindi ka naman pwede manggulo sa kanyang korte. Bandang huli ay naintindihan ni Doring na dahil meron pa silang motion na dapat iresolba, ang kasong ito ay hindi pa tapos at may buhay pa. Kapag napagtanto ng hukom na may basehan ang kanilang hinihiling baka mag-iba ang isip niya. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09213784392 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.