MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang kautusan nitong nagtatanggal sa serbisyo kay dating Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Demosthenes R. Escoto dahil sa umano’y iregularidad sa paggawad ng P2-bilyong kontrata para sa vessel monitoring system (VMS) project noong 2018.
Naunang kinasuhan ng Ombudsman sina Escoto, dating Agriculture Usec. at BFAR National Director Eduardo B. Gongona, at British national na si Simon Tucker sa dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” at tig-isang bilang ng paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) ng parehong batas.
Sa 8-pahinang joint order na pirmado ni Ombudsman Samuel R. Martires, ibinasura ang mosyon para muling pag-aralan ang kaso ni Escoto kaya nananatili ang naunang resolusyon at desisyon noong Pebrero 5, 2024.
Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang ginampanang papel ni Escoto—malaki man o maliit—sa pagpapatupad ng planong nagresulta sa pag-award ng kontrata sa United Kingdom-based SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT-UK).
Sinibak si Escoto matapos mapatunayang guilty sa grave misconduct kaya itinalaga ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. si Isidro Velayo, Jr. bilang officer-in-charge ng BFAR.
Nag-ugat ito sa papel ni Escoto bilang chair ng BFAR Bids and Awards Committee (BAC) kung saan lumitaw ang mga iregularidad at kawalan ng pagsasaalang-alang sa interes ng publiko.