MANILA, Philippines — Isinailalim ang lalawigan ng Negros Occidental sa state of calamity nitong Biyernes, apat na araw matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon na nakaapekto sa libu-libong residente sa walong lugar.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang resolusyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa isang special session na pinangunahan ni Vice Gov. Jeffrey Ferrer.
Sinabi ni Ferrer, matapos ang special session, na ibinigay na kay Gov. Eugenio Jose Lacson ang otoridad na gamitin ang Quick Response Fund (QRF) na makatutulong sa mga apektadong komunidad. Gayundin, magpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa lugar.
Binanggit ng PDRRMC na 33,806 indibidwal ang apektado na saklaw ng six-kilometer radius ng bulkan: La Castellana, La Carlota City, Pontevedra, southeastern portion ng Bago City, Valladolid, San Enrique, Hinigaran, at Binalbagan.