MANILA, Philippines — Sa huling yugto ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ngayong 2024 ay nabigyan ng P700-M halaga ng serbisyo at ayuda ang nasa 60,000 benepisyaryo na isang pangunahing inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na inilunsad noong Nobyembre 22 ay magpapatuloy hanggang sa susunod na araw sa Northwest Samar State University sa Calbayog City, Samar.
Binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng BPSF, ang kahalagahan ng programa sa pag-abot sa mga komunidad na hindi nabibigyan ng sapat na serbisyo.
“Ito ang patuloy nating tugon sa pagnanais ng ating Pangulong Marcos na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan. Hindi lamang ito programa; ito ay simbolo ng taos-pusong serbisyo at pagkakaisa ng pamahalaan at ng sambayanan,” ayon sa pahayag ni Speaker Romualdez.
Naglaan din sa event ng P400 milyong cash-assistance, na ipinamahagi sa mga pre-identified beneficiaries sa buong lalawigan.
Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang pamamahagi ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE), na may kabuuang P300 milyon at nakinabang ang higit sa 20,000 indibidwal.
Ang mga serbisyong ito ay tumugon nang direkta sa mga pangangailangan ng mga tinukoy na benepisyaryo sa buong Samar.