2 obrero utas sa araro ng kotse

MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang dalawang obrero nang araruhin ng isang kotse habang naglalakad sa Cainta, Rizal kamaka­lawa.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Aris Pabalan; at Aldwin Valdovino, kapwa residente ng Mapalad, Arayat, Pampanga habang arestado naman ang suspek na kinilala lang sa alyas na ‘Timothy,’ 29, ng Employee Housing Village sa Brgy. Maybunga, Pasig City.

 Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Buli Bridge na matatagpuan sa Ortigas Avenue Ext., sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta.

Naglalakad umano ang mga biktima sa Ortigas Ave­nue Extension patungong Pasig City nang pagsapit sa Buli Bridge ay bigla na lang umano silang araruhin ng Honda Brio na minamaneho ng suspek.

Kaagad na binawian ng buhay ang mga biktima dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan habang nadakip ang suspek sa hot pursuit ope­ration ng mga otoridad.

Show comments