Pinas ‘di iaakyat reklamo sa international body

Ayungin Shoal.
Google Maps

Sa harassment ng China sa Ayungin

MANILA, Philippines — Sa kabila ng pinakabagong pangha-harass ng tropa ng China sa Ayungin Shoal, walang balak ang Pilipinas na iakyat ang reklamo sa mas mataas na international body.

Ayon ito kay Executive Secretary (ES) Lucas Bersamin, at sa halip ay handa ang bansa na makipag-usap o makipag-ayos sa China para maresolba ang iringan.

Ang pahayag ni Bersamin ay tugon nito tanong sa isang pulong balitaan sa Malacañang kung kinokonsidera ba ng pamahalaan na idulog ang insidente sa international body.

“That’s not yet in consideration because I think this is a matter that can ­easily be resolved very soon by us.  And if China wants to work with us, we can work with China,” ayon sa Executive Secretary.

Nilinaw naman ni Bersamin, chairman ng National Maritime Council (NMC) na hindi nila pinag-usapan ang paggigiit ng Mutual Defense Treaty(MDT) sa kanilang pagpupulong nitong Biyernes.

Sa halip nagbigay lang sila ng ilang rekomenda­syon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang dito ang pagpapatuloy ng routinary and regular rotation and reprovision (RORE) missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa kabila ng mga ginagawa ng China.

Nauna na ring sinabi ni Bersamin na hindi kinokonsidera ng pamahalaan na “armed attack” ang panibagong harassment ng China sa Ayungin Shoal.

Show comments