Paslit na tumatawid, utas sa van

MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas ang isang 3-anyos na batang lalaki matapos masagasaan ng van habang tumatawid sa kalsada sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Khurt Jan Castillo, ng Solis St., Tondo, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Arestado naman ang suspek na nakilalang si Leonard Garbin ng Tandang Sora, Quezon City, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-10:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Solis St. at T. Bugallon St. sa Tondo.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang pagtawid ng bata sa kalsada sanhi upang masalpok at masagasaan nang para­ting na van (PLI-520).

Sinabi ng mga barangay officials sa lugar na bago ang insidente ay tumawid ang bata sa kabilang kalsada upang bumili sa tindahan at pagbalik ay doon na ito nasagasaan.

Desidido ang mga magulang ng biktima na ituloy ang kaso laban sa suspek.

Show comments