Higit 6K katao stranded na sa mga pantalan
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa mahigit 6,833 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, Southern Tagalog at Northeastern Mindanao Regions dahil Tropical Depression (TD) Aghon.
Inihayag ng PCG na kabilang din sa mga stranded ay ang 1,492 rolling cargo, 48 vessels at 30 na bangkang de motor.
Nasa 92 pang barko at 20 motor banca ang naiulat ding sumilong muna sa mga daungan dahil sa tropical cyclone o masamang lagay na panahon.
Sinabi ng PCG na nakahanda sila sakaling kailanganin sa pagresponde sa mga posibleng maapektuhan ng pagdaan ng bagyong Aghon.
Sinabi ni Coast Guard Spokesman Commodore Armand Balilo, nakaantabay na ang deployable response groups (DRG) at mga rescue assets ng PCG sa Visayas at Mindanao sakaling kailanganin upang umagapay sa mga evacuation at rescue operations ng lahat ng local government units (LGUs) na tatamaan ng bagyo.
Inatasan na rin ni CG Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng PCG District Commanders na tiyaking walang magbubuwis ng buhay sa panahon ng kalamidad, makipag-ugnayan sa lahat ng ahensiya at bilisan ang pagresponde sa mga insidente sa karagatan. Naglabas na rin aniya, ng notice to all mariners na tiyakin ang kaligtasan sa karagatan.
Inalerto na rin nitong Sabado ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga rehiyonal na tanggapan nito kaugnay ng posibleng epekto ni Tropical Depression (TD) Aghon.
Sa pagpupulong ng ahensiya, sinabi ni NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Ariel Nepomuceno lahat ng mga opisyal sa mga lugar na apektado ni Aghon ay pinaghahanda na nila sa posibleng mga landslide at flashflood.
Sa kasalukuyan, 20 lugar na ang isinailalim ng PAGASA sa signal number 1 sa bagyong Aghon. - Jorge Hallare-