Mayor at Brgy. chairman sa Maco, Davao de Oro suspendihin

This screengrab from AFPTV aerial video footage taken on February 7, 2024 shows the site of a landslide in Davao de Oro province on Mindanao island in the southern Philippines. At least five people were killed and 31 injured when a rain-induced landslide engulfed two buses and houses in a mountainous region of the southern Philippines, an official said on February 7.
Renante Naparan / AFPTV / AFP

Dahil sa ‘killer landslide’…

MANILA, Philippines — Sa utos na rin ni House Speaker Martin Romualdez ay pinasususpinde ng isang buwan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang alkalde at isang barangay kapitan ng Maco, Davao de Oro dahil sa kanilang kapabayaan sa naganap na landslide sa naturang bayan nitong Pebrero na ikinamatay ng mahigit 100 katao.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon ng House Committee on Disaster Resilience na pinamumunuan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inirekomenda ni Tulfo na ipasuspende ng isang buwan sa kanilang pwesto sina Maco, Davao de Oro Mayor Voltaire Rimando at Barangay Masara Chairman Douglas Dumalagan Jr. Naunang nagmosyon si Rep. Tulfo na sampahan ng kasong administratibo ang alkalde at barangay chairman dahil umano sa kanilang kapabayaan sa naganap na landslide pero mariin itong tinutulan ni Cagayan de Oro Rep. Rufuz Rodriguez dahil masyado umanong mabigat ang parusa. Sinabi ni Rodriguez na dapat daw ay “reprimand’ lang ang parusa sa dalawa at hindi kasuhan ng kasong administratibo.

Pero, hindi pumayag dito si Tulfo dahil naniniwala siyang dapat ay may maparusahan sa insidente dahil mahigit 100 ang namatay.

Agad namang nagpatawag ng causus si Adiong at pinagkasundo at pinag-usapan ang magiging desisyon ng magkasalungat na kongresista.

Sa huli, sinabi ni Tulfo na napagkasunduan na sa halip na kasuhan ay suspensyon na lamang ang ipataw na parusa sa alkalde at barangay chairman.

Show comments