5 CAFGU patay, 3 sugatan sa landmine attack

Ang tatlo sa limang CAFGU na nasawi sa ‘landmine’ attack ng NPA sa Tagkawayan, Quezon.

MANILA, Philippines — Limang miyembro ng CAFGU (Civilian Armed Forces Geographical Unit) ang kumpirmadong nasawi habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang sundalo matapos na mauwi sa bakbakan ang pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nakabase sa Bicol Region sa naganap na ‘landmine attack’ kahapon ng umaga sa Sitio Pag-asa, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, Quezon.

Sinabi ni AFP-Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) Spokesman Lt.Col. Dennis Cana, alas-11:05 ng umaga nang mangyari ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng Army’s 85th Infantry Battalion (IB) at ng mga CAFGUs na nakabase sa Sitio Pag­asa, Brgy. Mapulot ng bayang ito.

Base sa ulat ng Tagka­wayan-PNP, kinilala ang mga nasawing miyembro ng CAFGU na sina Cesar Sales; Jeffrey San Antonio; Aljohn Rapa; Johnwen Perez; at Jomari Guno. Habang ang tatlong nasugatan ay sina Cpl Marvinjun R. Oller Jr. at dalawang CAFGU na sina Lauro De Guzman; Regie Macalintal.

Gayunman sa report­ naman ni P/Col. Ledon Monte, Director ng Quezon Provincial Police Office (PPO), tinambangan­ ng mga rebelde ang tropa­ ng mga sundalo at CAFGU na nakabase sa Sitio Mapulot, Brgy. Pagasa, Tagkawayan. Inihayag ng opisyal na magsasagawa sana ng routine patrol ang mga sundalo at CAFGU sa hangganan ng Quezon at Labo, Camarines Norte nang isa sa mga CAFGU ay matapakan ang landmine na patibong ng mga rebelde laban sa tropang gobyerno.

Dahil dito, isang mala­kas na pagsabog ang naganap na sumapul sa nasabing CAFGU na ikinasawi rin ng apat nitong kasamahan.

Sa kabila nito ay hindi nasiraan ng loob ang mga sundalo na tinugis ang mga kalaban kung saan ay nagkaroon ng maikling palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.

Nakumpirma ng QPPO na mga Bicol based NPA rebels ang mga nagsagawa ng pag-atake dahil sa lokal na lengguwahe ng mga ito gayundin sa suot nilang pulang bandana at itim na mga damit na karaniwang suot ng mga rebelde sa Bicol Region. Magugunita na idineklara noong Hunyo 12 kasabay nang paggunita ng ika-125 Independence Day na ang lalawigan ng Quezon ay malaya at idi­neklara ni Quezon Go­vernor Angelina “Helen” Tan sa insurgency o Stable Internal Peace and Security (SIPS). - Joy Cantos, Ed Amoroso

Show comments