MANILA, Philippines — Bukod sa pagtutok sa mga panukalang batas na makakapagpabuti sa kalagayan ng mga Pilipino ay nakapokus ngayon ang opisina ng House Speaker at Tingog partylist sa pagtulong ng mga nangangailangan.
Ayon kina House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre sa pagtulong na nakipag-partnership ang kanilang mga tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapaghatid ng tulong sa libu-libong nangangailangan. Kamakailan ay nabigyan ng tig-P3,000 cash assistance ang may 100 benepisyaryo sa Brgy. Tubuan, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao Del Norte.
Nasundan ito ng pagbubukas naman ng Alagang Tingog Center (ATC) sa mga bayan ng Sta. Cruz, Candelaria, San Narciso, Masinloc, at San Felipe sa lalawigan ng Zambales sa tulong ni Rep. Doris E. Maniquiz.
Sinabi ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr., na siyang kumatawan kay Speaker Romualdez na mayroon ding kusina ang ATC para makapagbigay ng pagkain sa mga nagugutom.
Sinabi naman ni Acidre na sila na ang lumalapit sa mga nangangailangan para mapabilis ang pagtulong sa mga ito bilang sukli sa suporta na kanilang inibigay sa Tingog party-list sa nakaraang eleksyon.
Ang mga ATC ay itinayo upang magsilbing one-stop-shop para sa mga humihingi ng tulong sa gobyerno gaya ng medical support, burial aid, educational resources, cash benefits, at iba pa. Matapos ang opisyal na pagbubukas ng mga ATC ay nagsagawa ng payout ang DSWD.