MANILA, Philippines — Nirerespeto ng Malacañang ang programa ng Commision on Elections (Comelec) na “Oplan Baklas” laban sa mga porters at tarpaulin ng mga kandidato na lumalabag sa election rules.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang Comelec ay isang independent na constitutional body at lahat ng mga bagay na may kinalaman sa halalan ay sakop ng komisyon.
“We know na based on the Constitution na ang Comelec is an independent constitutional body. So, for election related activities, it’s really Comelec’s rules and regulations ang mai-implement o i-implement ng Comelec based on its constitutional mandate,” ani Nograles.
Maaari naman aniyang gumawa ng legal na hakbang ang mga kumukuwestiyon sa pagbabaklas ng mga campaign posters at tarpaulins ng mga tumatakbong kandidato.
Nauna rito, inihayag din ni Comelec spokesperson James Jimenez na maaaring maghain ng reklamo s COMELEC ang sinuman kaugnay sa “Oplan Baklas” program.
Naglaan ang Comelec ng common poster areas sa mga pampublikong lugar katulad ng palengke, plazas, matataong lugar sa mga siyudad at munisipalidad na inaprubahan ng Election Officers (EOs).