MANILA, Philippines — Limang buwan bago ang filing ng Certificates of Candidacy (CoC) ay nanawagan si Samar Rep. at House Transportation Chair Edgar Mary Sarmiento sa Kongreso na madaliin ang pag-aapruba sa kaniyang panukala na nagpapataw ng P100,000 multa sa mapatutunayang nuisance candidates.
Ang House Bill 91 ay inihain ni Sarmiento bilang amienda sa Omnibus Election Code upang ang mga kandidato para sa darating na eleksyon, 2022 ay masala at makaiwas sa mga nuisance.
Kasabay nito ay inihain din ng kongresista ang House Bill 92 na nagsusulong na ma-diskuwalipika at hindi na makaposisyon sa gobyerno ang mga nahatulan dahil sa korapsyon.
Paliwanag din ng kongresista na ginagamit ng mga tiwaling politiko ang mga nuisance candidates upang talunin ang kanilang kalaban na ang karaniwan ay magpatakbo rin ng kandidato na ang pangalan ay kaparehas ng kanilang mga katunggali sa politika.
Anya, ang Article 69 ng Omnibus Election Code o ang Batas Pambansa 881 ay nagbibigay ng mandato sa Commission on Election (Comelec) na kanselahin o ibasura ang COC ng pinaghihinalaang mga nuisance candidate ngunit walang banggit aniya sa batas ukol sa pagbabawal sa mga ito na ulit-ulitin ang paghahain ng COC.