Zambo power crisis, babala sa PSAs-Murang Kuryente

MANILA, Philippines — Binigyang diin ng Murang Kuryente Partylist (MKP) na mistulang babala ang kasalukuyang krisis sa kuryente sa Zamboanga City at kung gaano maaapektuhan ang publiko ng problematikong power supply agreements (PSA) kung hindi ito kukuwestiyunin ng pamahalaan.

“Eto’ng mga nangyayari sa pagitan ng Zamcelco at WMPC sa Zamboanga ay isang halimbawa kung paano naiipit ang mga konsumer kapag hindi napag-aralan nang maigi ng lahat ng panig ang mga kasunduan sa pagsu-supply ng kuryente,” sabi ni MKP nominee at matagal nang energy advocate na si Gerry Arances.

Inaakusahan ng Zamboanga City Electric Cooperative (Zamcelco) ang dati na nitong ka-partner na Western Mindanao Power Corporation (WMPC) ng labis na paniningil sa kuryenteng ipinamamahagi nito para sa ikatlong bahagi noong 2018.

Sa panig ng WMPC, inakusahan naman nila ang Zamcelco na tumatangging bayaran ang mga naiwan nitong fee na nagresulta sa kawalan ng gatong sa kanilang power plant. Isinara tuloy ng WMPC ang kanilang planta na nauwi sa kakulangan ng suplay ng kuryente.

Hinimok ng MKP ang pamahalaan na ireporma ang industriya ng enerhiya sa bansa, na naglalayong makapagpamahagi nang mas abot-kayang gastusin para sa mga konsumer sa pamamagitan ng pagrebisa sa EPIRA law at pagbusisi sa kasalukuyan at nakabinbing PSA sa pagitan ng generation companies (GenCos).

Show comments