MANILA, Philippines — Hinimok kahapon ng Murang Kuryente Partylist (MKP) ang Kongreso na parusahan ang mga abusadong power company at ipatupad ang mahahalagang reporma sa power sector na magtutulak sa pagbalanse ng kapangyarihang papabor sa mga konsumer kaysa mga power company.
Sa isang liham sa Joint Congressional Power Commission (JCPC), hiniling ni MKP nominee at matagal nang energy advocate na si Gerry Arances sa mga mambabatas na rebisahin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law at ipatupad ang mga nararapat na amyenda bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa problema ng bansa sa kuryente.
Nagpiket din ang delegasyon ng MKP sa labas ng Senado habang papasok naman ang mga kinatawan ng ahensiya ng pamahalaan, generation companies at distribution utilities upang dumalo sa public hearing ng JCPC hinggil sa pagkawala ng kuryente at paghahanda ng mga power sector sa nalalapit na halalan.