MANILA, Philippines — Hinamon kahapon ng Department of National Defense ang mga rebeldeng New People’s Army na sumuko kung ayaw nilang mabansagang mga terorista.
Ayon kay Defense Spokesman Arsenio Andolong, kung ayaw ng CPP-NPA rebels na malagyan ng “terror tag” ng administrasyon ay walang pinakamabuti kundi ang magsisuko ang mga ito sa batas.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na pinaplano na niyang lagyan ng ‘terror tag’ ang komunistang mga rebelde matapos ang serye ng pagkakasangkot ng mga rebelde sa paghahasik ng terorismo kabilang ang pananambang sa convoy ng mga pulis na ikinasawi ng isang parak at isang 4 buwang sanggol na babae sa Talakag, Bukidnon noong Nobyembre 9 ng taong ito at iba pang uri ng karahasan.
Idinagdag pa ni Andolong na hindi pa huli ang lahat para sumuko ang mga rebeldeng NPA, ang armed wing ng CPP-NDF dahilan binibigyan pa ang mga ito ng pagkakataon ng pamahalaan na magbalikloob sa batas.