MANILA, Philippines - Dalawampung taong pagkakulong ang hinatol ng Sandiganbayan kay dating Angeles City Mayor Francis “Blueboy” Nepomuceno matapos mapatunayang guilty sa kasong graft na may kinalaman sa maanomalyang pag-donate ng service vehicle ng lungsod sa isang non-government organization noong 2010.
Kapwa akusado ni Nepomuceno dito sa paglabag sa Sections 3(e) at 3(g) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Ginoong Abelardo Pamintuan Jr, Presidente ng Kapanalig Angeles City Inc.
Batay sa record noong June 8, 2010, nai-donate sa naturang NGO ang isang Mitsubishi Adventure GLS 2.5 vehicle na may plakang SHL 124 at nabili sa halagang P786,000.
Dahil hindi umano isang ahensiya ng gobyerno o hindi tanggapan ng gobyerno ang Kapanalig, sinabi ng mga state prosecutors na lumabag si Nepomuceno sa Local Government Code.