MANILA, Philippines – Isang 81-anyos na lola ang brutal na pinatay nang hatawin ng bato ang ulo at mukha nito sa isang abandonadong bahay sa Brgy. Talospatang, Malasigui, Pangasinan, kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Felisa Diola biyuda, residente sa nasabing barangay na duguan ang mukha at ulo nang madiskubre ang bangkay ng anak nitong si Violeta Gutierrez.
Batay sa ulat, bandang alas-3:00 ng hapon nitong Biyernes nang madiskubre ang bangkay ng matanda sa loob ng inabandonang bahay na dating tinitirhan ng anak na lalaki ng biktima.
Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga nang magpaalam ang biktima sa anak niyang si Violeta na mangunguha lamang ng kahoy na panggatong sa may likuran ng bahay ng anak nitong lalaki sa kabilang ibayo.
Subalit, hindi pa bumabalik ang matanda kinahapunan kaya napilitan si Violeta na hanapin ang ina at dito na nadiskubre ang krimen.
Natagpuan sa crime scene ang isang tipak ng bato na puno ng dugo, isang punit na t-shirt na puti na may bahid ng dugo may 15 metro ang layo mula sa bangkay ng matanda.