Mar hinamon ng suntukan si Duterte

MANILA, Philippines – Sa halip na sampalan ay hinamon kahapon ng suntukan ni Liberal Party standard bearer Mar Ro­xas si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ayon kay Roxas sa mga reporters sa Balay Headquarters sa Quezon City na pambabae lamang ang sampalan kaya mas mainam na magsuntukan na lang sila ni Duterte.

Magugunita na umi­init ang palitan ng maaanghang na salita nina Roxas at Duterte dahil sa pinapalitaw ng alkalde na nagsisinunga­ling si Roxas ng sabihing graduate ito ng Wharton University gayung hindi naman ito nag-graduate doon.

Nagbanta pa si Du­terte na magtutungo ito sa Balay HQ sa Cubao, Quezon City para sampalin ang standard bearer ng LP.

“Talk. Talk. Talk. ‘Yan na lang ginagawa mo, Digong eh. Daldal nang daldal. Cubao, Quezon City, aantayin kita. Alam n’yo, itong tigas-tigasan, itong siga-siga, bumenta na ‘yan eh. Gasgas na ‘yan. Ako, galit ako sa bully. Galit ako sa mga nagsasamantala. Galit ako sa mga naghahari-hari. Galit ako sa mga mabibigat ang kamay. Galit ako sa mga tao na akala nila [na] sila lang ang kapangyarihan dito sa bansa natin,” wika pa ni Roxas sa mga reporters kahapon.

“Kaya kung hindi ka pa nakaharap ng iyong katapat Digong, andito ako. Hindi kita aatrasan. Ako ay para sa rule of law. Ako ay para sa kaunlaran ng ating bansa. Ako ay para sa progreso ng ating bansa,” paliwanag pa ni Roxas.

Show comments