Mag-iina at apo nilamon ng apoy

STAR/File photo

MANILA, Philippines - Patay ang apat-ka­tao kabilang ang isang sanggol habang anim naman ang nasugatan makaraang masunog ang ilang kabahayan sa Barangay Palanan sa Makati City, kahapon ng umaga.

Kabilang sa namatay ay si Annie Eneria, 52; dalawang anak nitong may edad 14, 8 at ang sanggol na dalawang buwang gulang na pawang nakatira sa Araro Street sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Makati City, dakong alas-5:40 ng umaga nang unang sumiklab ang sunog sa naturang lugar. 

Agad na kumalat ang apoy sa mga kabahayan kung saan itaas ang ikatlong alarma hanggang sa ganap na mapula dakong alas-6:16 ng umaga.

Sinasabing nasa anim pang residente ang nasugatan sa insidente at isinugod sa iba’t ibang pagamutan. 

Nasa 30-pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog.

Pinaniniwalaang nasa kahimbingan ng pagtulog ang pamilya Eneria nang sumiklab ang sunog kung saan hindi na nakalabas pa ng kanilang bahay.

Sinisilip naman ang pagkakaroon ng iligal na koneksyon ng kuryente sa nasabing lugar.

 

Show comments