MANILA, Philippines – Lima katao ang hindi na umabot ng Pasko habang 15 pa ang nasugatan nang aksidenteng kumalas ang isang trailer truck ng DOLE Stanfilco at nadaganan ang kasalubong na pampasaherong jeepney sa highway ng Talakag, Bukidnon kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng pulisya, tatlo sa mga biktima ay dead-on-arrival sa Talakag Hospital na kinilalang sina Irish Mae Napay, Ethel Talaroc at Blessel Corneta, habang sina Ricardo Napay, barangay kagawad at isang hindi pa nakikilalang babae ay namatay naman sa isang ospital sa Cagayan de Oro City.
Kinilala naman ang mga nasugatan na sina Jovy Mae Allera, Samantha Fe Allera, Rex Napay, 1 anyos, Arnold Paano, driver, at dalawang anak na lalaki ni Paano na sina Arnel at Arkem; pawang mga konduktor; Neil Lumigue, Perlita Labial, at Jimmy Macia, Florencio Sabugaa, misis nitong si Emma at anak na si Emma Flor; pawang nilalapatan na ng lunas sa pagamutan.
Dalawa naman sa mga biktima na nasa kritikal na kondisyon sa Maria Reyna Hospital ay nakilalang sina Leah Mae Napay at 13-anyos nitong anak na si Ryan at isang di pa kilalang biktima.
Ang insidente ay naganap dakong alas-5 ng hapon sa highway ng Brgy. San Isidro, Talakag habang bumabagtas sa lugar ang 40 footer container van (PUV-347) ng Dole Stanfilco na may kargang saging kung saan biglang kumalas ang head tractor nito pagdating sa pakurbadang daan patungo sa CDO at nadaganan ang jeep ng mga biktima.
Ayon sa imbestigasyon ang pampasaherong jeepney ay galing Cagayan de Oro City at patungong sa bayan ng Talakag kung saan nagmistulang nayuping lata ang maliit na behikulo.
Agad sumuko sa pulisya ang driver ng truck habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya.