MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kalagayan ang isang 27-anyos na seaman matapos itong tumilapon sa sinasakyang motorsiklo at nahulog mula sa 20 talampakang taas ng Kalayaan flyover kahapon ng umaga sa Makati City.
Ang biktima ay kinilalang si Clark Macasadia, ng #720 San Diego St., Sampaloc, Manila na ginagamot sa Ospital ng Makati.
Batay sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga ay galing sa Kalayaan AveÂnue ang biktima at mabilis na binabaybay ang Kalayaan flyover sakay ng kanyang motorsiklo (NP-8315) patungo sa Gil Puyat Avenue nang aksidenteng nabangga ito sa gutter.
Sa bilis ng takbo ay nawalan ito ng kontrol at nakabitiw sa manibela kaya’t tumilapon ito hanggang sa mahulog ito sa tulay at bumagsak sa Gil Puyat kanto ng Edsa at naiwan ang kanyang motorsiklo sa flyover.
Nakapagresponde ang Rescue Team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at isinugod sa ospital ang biktima na kung saan ay nabali ang buto sa tadÂyang at mga buto sa hita.
Hindi naman napinsala ang ulo nito dahil sa nakasuot ng safety helmet.
Posible anya na maputulan ng hita ang biktima dahil sa pagkadurog ng kanyang mga buto.