Maramot sa mikropono, dinedo ng tatlo katao

MANILA, Philippines - Pinagtulungang patayin ng tatlong katao ang isang lalaki pag­labas ng videoke bar matapos nitong solohin ang mikropono at nagpasasa sa pagkanta kaya’t hindi sila nakagamit sa videoke, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Ang biktima na namatay dahil sa tinamong mga sugat sa ulo ay kinilalang si Bryan Timpug, 26-anyos, ng Block 8-A, Lot 16, Phase 2, Area 3, Hito Street, Brgy. Lo­ngos, Malabon City.

Hindi pa matukoy ng mga otoridad ang tatlong lalaki na agad tumakas matapos pagtulungang gulpihin ang biktima.

Sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Tanigue St., Brgy. 14, Caloocan City ay nakitang umaawit ang biktima sa loob ng isang videoke bar.

Ngunit nang mala­sing ay hindi na nito tinigilan ang pagkanta na labis na ikinainis ng ibang mga kustomer na may nakalinya ring kanta ngunit maging ito ay inawit din ng biktima.

Nagkaroon ng komprontasyon ang biktima at tatlong suspek, na agad din naawat ng mga tauhan ng bar hanggang sa nagsialis ang grupo ng mga suspek. 

Subalit, lingid sa kaalaman ng biktima ay nagtanim ng galit ang mga suspek at inabangan ito sa labas kung kaya’t paglabas ng biktima ay dito na siya pinagtulu­ngang gulpihin hanggang sa magmistulang lantang gulay sa gulpi na ikinamatay nito.

Show comments