Sinalpok ng dump truck… gasolinahan nasunog: 2 natusta

Mistulang binomba ang gasoline station na ito na natupok matapos na salpukin ng isang dump truck na nawalan ng preno na ikinasawi ng dalawang katao at pagkasugat ng dalawang iba pa naganap kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City. – Bening Batuigas –

MANILA, Philippines -Natusta sa loob ng mi­namanehong dump truck ang driver at nadamay sa pagkasunog ang isang gasoline boy habang nasugatan ang tatlong iba pa matapos na masunog ang isang gasolinahan nang salpukin ng nasabing truck kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.

Hindi na nakalabas ng buhay sa minamanehong dump truck (UMB-943) ang driver na si Ramon Gabayan, 52, ng Plaridel, Bulacan habang hindi na umabot ng buhay sa Valen­zuela General Hospital sanhi ng 3rd degree burn ang gasoline boy na si Jonathan Miguel, 21, ng Bagbaguin, Valenzuela City.

Ginagamot naman ang tatlong nasugatan sanhi ng 1st degree burn ang truck helper na si Ramon Pulay, 26, Thomas Martin, 52, checker, kapwa ng Lingahan ng naturang lungsod at ang kahera na naipit.

Batay sa ulat, bago na­ganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng MacArthur Highway, Barangay Karuhatan ay minamaneho ni Gabayan ang kanyang dump truck na may kargang mga panambak nang mawalan ito ng preno.

Ilang sasakyan na ang nabangga ay hindi pa rin ito humihinto hanggang sa lumabas ang isa pang truck na may mga kargang flywood sa Shell Gasoline Station na naiwasan ni Gabayan, su­balit tuluy-tuloy na sinalpok nito ang gasolinahan at sumabog at nasunog.

Dito ay nasunog si Mi­guel habang hindi nakalabas si Gabayan sa loob ng nagliliyab niyang truck dahil sa pagkakaipit habang bahagyang nasunog sina Pulay at Martin.

Show comments