6 CDO bombers kinasuhan ng murder

MANILA, Philippines -Kasong multiple murder at mul­ti­ple frustrated mur­der ang isinampa ng Philippine National Police (PNP) sa  anim na suspek na itinurong responsable sa pambobomba sa isang bistro bar sa Cagayan de Oro City na kumitil ng buhay ng 8 katao na kinabibila­ngan ni Misamis Oriental Board Member Ronald Lagbas at 2 doktor habang 48 pa ang nasugatan noong Hulyo 26 ng gabi.

Inianunsyo na kaha­pon  ni Sr. Supt. Michael Deloso, Special Investigation Task Group Cagayan de Oro City,  na nagsampa  na sila ng 8 counts ng multiple murder nitong Martes ng hapon sa City Prosecutors Office laban sa grupo na mga suspek na ang isa ay tinukoy na si Usman Hapids.

Kahapon naman ng umaga ay isinampa naman ang karagdagang 48 pang counts ng multiple frustrated murder laban sa grupo ni Hapids.

Si Hapids na hindi pa inihayag ng opisyal ang kinabibilangan nitong grupo ay natukoy umano sa composite sketch ng pulis­ya base sa deskripsyon ng mga testigo sa madugong pambobomba.

Inihayag ng opisyal base sa post blast investigation ay 81 MM high explosive mortar ang ginamit na main charge ng bomba na ang power source ay mula sa 9 volt eveready black battery ang initiator, may EBC electric blasting cap ang switch at two way radio ang triggering device na narekober sa blast site.

Puspusan ang manhunt operations ng mga otoridad upang maaresto at mapanagot sa batas ang mga suspek.

Show comments