MANILA, Philippines - Itinuturong si Sen. Francis “Kiko†Pangilinan ang siya umanong dahilan kaya hindi pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang Magna Carta of the Poor.
Kinastigo ni Alagad Partylist Rep. Rodante Marcoleta si Sen. Pangilinan na hinihiling na lumutang na ito at aminin sa publiko na siya ang pumigil na idaan pa sa bicameral conference ang naturang panukala upang ang kanyang bersyon ang maipasok at maisumite kay Pangulong Aquino.
“Isinalaksak niya iyan sa lalamunan ng House of Representatives, dadalhin din pala kaming lahat sa kangkungan. Sana nagpapako siya sa krus nitong semana santa,†giit pa ni Marcoleta.
Matatandaan na binuweltahan ni Aquino si Marcoleta dahil sa komento nitong masyadong mababaw ang mga dahilan na inilatag ng pangulo sa pag-veto nito sa nasabing panukalang batas.
Paliwanag pa ng mambabatas, kung isinama lamang umano ni Pangilinan ang bersyon ng Kamara sa bersyon ng Senado ay hindi mabi-veto ang panukala dahil malinaw dito ang hinahanap na magic word ng pangulo na “progressive realization.â€
Giit pa ni Marcoleta na kung pondo lang ang kulang bakit naman napakaraming batas ang naipasa kahit walang mga alokasyon.
Aminado si Marcoleta na naging sarkastiko siya sa komento ngunit ito ay bunga lamang aniya ng pagdaramdam niya makaraang i-veto ng Pangulo ang kanyang panukalang batas.