Nakatulugan ang pagpapasuso…Sanggol patay kay nanay

MANILA, Philippines - Hindi na nagising pa ang tatlong buwang gulang na sanggol na lalaki na hinihinalang nadaganan ang ilong nito at hindi nakahinga habang dumedede sa kanyang ina na nakatulog naman habang nagpapasuso kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Hinihintay pa ng mga imbestigador ng Pasay City police ang resulta ng isasagawang pag-otopsiya sa sanggol upang matukoy kung ano ang sanhi ng ikinamatay nito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Simon Respicio, Jr. pinasuso pa ng ina na si Ernales Ramos, 18, naninirahan sa Area-C, Chest Clinic Compound, Tramo ang anak bago sila natulog kamakalawa ng gabi.

Subalit, dakong alas-4:00 ng madaling-araw ay napuna nilang hindi na kumikilos ang bata kaya’t isinugod pa nilang mag-asawa ang anak sa San Juan De Dios Hospital, subalit idineklarang dead- on-arrival.

Sa inisyal na pagsisiyasat na posibleng nadaganan ang ilong ng sanggol at hindi ito nakahinga dahil nakatagilid ang ginang nang pasusuhin ang anak hanggang makatulugan ang pagpapasuso.

Show comments