Roda sasargo sa Last 64

MANILA, Philippines — Nakakuha ng puwesto sa last 64 si Pinoy cue a­rtist Jefrey Roda matapos kaldagin ang American  na si Lukas Fracasso-Verner, 9-6 sa winners qualification ng US Open Pool Championship na nilaro sa Harrah’s Resort, Atlantic City, USA, kahapon.

Unang Pinoy na umu­sad sa knockout stage si Roda matapos magtala ng malinis na tatlong panalo sa event na nakalaan ang $500,000 guaranteed prize na ipamumudmod hanggang 64th place.

Sa ngayon nag-aabang si Roda ng makakalaban sa round-of-64 kung saan ay Race-to-10 ang labanan, malaki ang tsansa nitong mahablot ang inaasam na $100,000 premyo sa magka-kampeon.

Unang kinalos ni Roda si Nguyen Hoang Tuan, 9-3 ng Vietnam sa round 1 at saka tinalo si Paul Song, 9-1 ng host country sa round 2.

Walang talo sa dalawang laro sina reigning World 9-Ball championCarlo Biado at Johann Chua, nakatakda silang sumargo sa magkahiwalay na laban at sakaling manalo ay sasamahan nila si Roda sa last 64.

Ibubulsa ng runner-up ang $50,000, mapupunta sa dalawang semifina­lists ang tig-$25,000, tig-$15,000 naman ang apat na quarterfinalists habang tig-$8,000 ang ninth to 16th places.

Sisikwatin naman ng 17th hanggang 32 ang tig- $5,000 habang tig-$3,000 ang 33rd hanggang 64th.

Ang ibang Pinoy na tutumbok sa winners side ay sina Bernie Regalario, Roland Garcia, Marvin Asis at 2007 WPA World 9-Ball runner-up Roberto Gomez.

 

Show comments