Putukan sa PBA itutuloy ng Gin Kings, beermen

Coach Tim Cone.
STAR/ Russell Pama

MANILA, Philippines — Tuloy ang putukan sa Bagong Taon sa inaasa­hang eksplosibong sagupaan ng sibling rivals na Barangay Ginebra at San Miguel sa pagbabalik-aksyon ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Sisiklab ang aksyon sa alas-7:30 ng gabi para sa twin-bill resumption ng PBA mula sa mahabang pahinga para sa Pasko at Bagong Taon.

Tampok din sa double-header ang tagisan ng guest team na Hong Kong E­astern na tersera sa hawak na 6-2 kartada at Philippine Cup champion na Meralco, naghahabol sa 3-2 marka sa 6th spot, sa alas-5 ng hapon.

Subalit ang lahat ay nakatuon sa kiskisan ng Gin Kings at Beermen na itutuloy ang lasingan mula sa pagsalubong ng Bagong Taon sa hardcourt dala ang parehong misyon na makaangat sa 13-team standings papalapit sa playoffs.

May sasakyang momentum ang mga bataan ni coach Tim Cone papasok sa duwelo.

Matatandaang bago ang PBA break ay umiskor ng pambihirang 95-92 comeback win ang Gin Kings sa Christmas Clasico kontra sa Magnolia para umangat sa ika-5 puwesto hawak ang 4-2 kartada.

Bumalikwas ang Ginebra mula sa higanteng 22-point deficit sakay ng Never Say Die spirit tampok ang game-winning three points ni Scottie Thompson sa buzzer.

Sa kabilang banda ay galing sa kabiguan ang Beermen, 99-91, sa overtime kontra sa Hong Kong, noong Disyembre 22 kaya siguradong gutom na ma­kabalik sa winning column lalo’t delikado sa No. 7 hawak ang 3-3 kartada.

Bukod naman sa gigil, masusubok ang kalawang ng dalawang koponan lalo’t lagpas dalawang linggong hindi nakapaglaro upang ipagdiwang ang Holidays kasama ang kani-kanilang pamilya.

Makakasama ni Thomp­­­son para sa G­inebra ang resident import na si Justin Brownlee, super rookie RJ Abarrientos, Stephen Holt, Japeth Aguilar at Maverick Ahanmisi pati na ang nagbabalik na si Jamie Malonzo mula sa matagal na pagkakatengga dahil sa calf injury.

Haharang sa kanilang daan sina 8-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassi­ter, Don Trollano, Jericho Cruz, Chris Ross, Juami Tiongson at import na si Jabari Narcis.

Show comments