MILWAUKEE — Humakot si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 11 rebounds habang may 31 markers si Damian Lillard sa 125-199 pagsuwag ng Bucks sa Charlotte Hornets.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Milwaukee (8-9) na nauna nang tinalo ng Charlotte (6-10) noong Nobyembre 16.
Binuksan ng Bucks ang fourth quarter sa isang 14-5 atake para ilista ang 110-90 bentahe bago nakadikit ang Hornets sa 119-121 galing sa three-point shot ni Brandon Miller sa huling 15 segundo.
Dalawang free throws ang ipinasok ni Taurean Prince para sa 123-119 abante ng Milwaukee kasunod ang mintis na dalawang triples ng Charlotte.
Humataw si LaMelo Ball ng career-high 50 points para sa Hornets habang may 32 markers si Miller.
Sa San Antonio, kumamada si Victor Wembanyama ng 25 points sa pagbangon ng Spurs (9-8) mula sa 17-point third-quarter deficit para sa 104-94 pagresbak sa Golden State Warriors (12-4).
Sa Houston, umiskor si Anfernee Simons ng 25 points sa 104-98 pagdaig ng Portland Trail Blazers (7-10) sa Rockets (12-6).
Sa Chicago, bumanat si Scotty Pippen Jr. ng career-best 30 points sa 142-131 paggupo ng Memphis Grizzlies (10-7) sa Bulls (7-11).
Sa Los Angeles, kumolekta si Nikola Jokic ng 34 points, 13 rebounds at 8 assists habang may 24 markers si Michael Porter Jr. sa 127-102 panalo ng Denver Nuggets (9-6) sa Lakers (10-6).