Bakbakan na sa Quarterfinals

Isa si Jhonard Clarito sa mga aasahan ng Rain or Shine laban sa Magnolia sa quarterfinals.

TNT vs NLEX; Magnolia kontra Rain or Shine

MANILA, Philippines — Bakbakan na ang natitirang 8 koponan sa inaaba­ngang 2024 PBA quarterfinals sa ilalim ng bagong format simula ngayong Game 1 sa Ninoy Aquino Stadium.

Sa unang pagkakataon ay walang magiging bentahe ang mga top seeds dahil sasalang ang lahat sa balanseng best-of-five series matapos ang dikdikang elimination rounds ng 12 koponan sa dalawang grupo.

Unang sasabak ang Group A No. 1 seed at reigning champion na TNT Tropang Giga kontra sa 4th seed mula sa Group B at sister team na NLEX sa alas-5 ng hapon.

Magpapangbuno naman sa main game sa alas-7:30 ng gabi ang primerang Rain or Shine ng Group B kontra sa No. 4 seed ng Group A na Magnolia.

Namuno sa Group A ang TNT hawak ang 8-2 kartada kasunod ang Meralco (7-3), Converge (6-4) at Magnolia (5-5). Bida naman sa Group B ang RoS (7-3) kasama ang San Miguel (6-4), Barangay Ginebra (6-4) at NLEX (5-5).

Bukas magsisimula ang kabilang bracket sa parehong venue tampok ang duwelo ng magkaribal na Meralco at Ginebra pati na ang San Miguel at Converge.

Subalit nasa TNT at Rain or Shine muna ang atensyon ngayon lalo’t paborito silang magwagi sa mga kulelat nilang karibal kahit pa pantay ang arena sa best-of-five series.

Dahil nasa iba-ibang grupo sa elimination rounds, hindi pa nakakalaban ng Tropang Giga at Ealsto Painters ang kanilang mga katapat na sigurado namang handa na mabigyan sila ng magandang laban.

Matatandaang sa mga nakaraang seasons ng PBA ay laging may twice-to-beat advantage ang mga top-ranked teams sa quarterfinals.

 Wala na iyon ngayon kaya inaabangan ang mas malupit na bakbakan tampok ang mga pambatong imports sa pangunguna ng reigning Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson ng TNT.

Hahamon sa kanya si DeQuan Jones ng NLEX habang tapatan sa kabilang duwelo sina Aaron Fuller ng RoS at bagong Magnolia import na si Rayvonte Rice kapalit ni Shabazz Muhammad dahil sa injury nito.

Show comments