Watanabe halos tiyak na sa Paris Olympics

MANILA, Philippines — Posibleng si Fil-Japanese judoka Kiyomi Watanabe ang maging pang-16 Pinoy athlete na sasabak sa 2024 Olympic Games sa Paris, France sa susunod na buwan.

Sinabi ni Philippine Judo Federation (PJF) secretary-general Dave Carter na halos pasok na si Watanabe sa Paris Olympics dahil sa inaasahang pagbibigay sa kanya ng isa sa dalawang continental quotas na inilaan para sa Asia.

“Kiyomi is good as in but the official announcement will come from the IFJ (International Judo Federation),” wika ni Car­ter sa gagawing official announcement ng IFJ.

Kasalukuyang No. 92 ang four-time Southeast Asian Games gold winner sa women’s -63-kilogram Olympic qualifying ra­tings kung saan ang top 17 lamang ang makakakuha ng Paris ticket.

Kasalukuyang nagsasanay si Watanabe at nakatakdang magtungo sa French capital sa Hulyo 22 limang araw bago isagawa ang judo event na magtatapos sa Agosto 3.

Lumapag na kahapon sa France para sa training camp sa Metz sina Tokyo Olympics silver medalists boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam, Hergie Bacyadan, Aira Villegas ng boxing, weightlifters Elreen Ando, John Ceniza at Vanessa Sarno at rower Joanie Delgaco.

Nakatakdang sumunod sina Tokyo Olympics bronze medal winner Eumir Felix Marcial ng boxing, pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo at fencer Sam Catantan.

Show comments