MANILA, Philippines — Ikinakasa na ang mga taktika ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia na hahataw sa susunod na buwan.
Nasa Pool A ang Gilas Pilipinas kasama ang Latvia at Georgia sa group stage ng FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Alam na ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang galawan ng kanilang makakalaban matapos ang ginawang scouting ng coaching staff.
Ilan sa mga nakita ng coaching staff ang husay ng Latvia sa three-point shooting lalo pa’t babanderahan nito ni NBA veteran Kristaps Porzingis.
Bahagi si Porzingis ng Boston Celtics na sariwa pa sa matamis na pagkopo sa kampeonato sa katatapos lamang na NBA season.
“Latvia is a great three-point shooting team, 12 deep,” wika ni Cone.
Matibay din ang Georgia na may malakas na front line at mahuhusay na point guard.
“Georgia has a great physical front-line and point guard. Both are very well-coached,” dagdag ni Cone.
Kaya naman ito ang inaasahang paghahandaan ng Gilas Pilipinas sa training camp nito sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Walang dapat ipangamba dahil may binubuo ng game plan si Cone.
Mangunguna sa tropa sina naturalized player Justin Brownlee, at seven-time PBA MVP June Mar Fajardo kasama sina Kai Sotto, Scottie Thompson, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, Japeth Aguilar at Mason Amos.