Meralco muling kukunin si Durham

MANILA, Philippines — Plano ng Meralco na muling kunin si import Allen Durham para sa puntirya nilang back-to-back cham­pionship sa darating na PBA Governors’ Cup sa Agosto.

Kasalukuyan nang nakikipag-usap ang Bolts mana­gement sa agent ng three-time PBA Best Import para sa pagbabalik nito sa bansa.

“I’ve spoken with coach Nenad (Vucinic) and we would love to have AD join us,” sabi ni Meralco coach Luigi Trillo kay Durham. “We have to come to terms with his agent.”

Sa darating na PBA Governors’ Cup ay magpaparada ang 12 teams ng mga imports na may sukat na 6-foot-6 pababa.

Target ng Meralco ang ikalawang sunod na korona makaraang angkinin ang korona ng nakaraang Season 48 PBA Philippine Cup.

Ang 6’6 na si Durham ang bumandera sa Bolts sa runner-up finishes sa PBA Governors’ Cup noong 2016, 2018 at 2019 na lahat ay laban sa Ginebra Gin Kings.

Inaasahang muling ipaparada ng Gin Kings si resident import at Gilas Pilipinas naturalized guard Justin Brownlee sa parating na Governor’s Cup.

Sakaling mabigo ang Meralco na muling makuha ang undrafted player noong 2011 NBA Rookie Draft ay maghahanap sila sa mga players na sasalang sa NBA Summer League sa Las Vegas, Nevada.

Mula sa PBA ay naglaro si Durham para sa Busan KT Sonicboom sa Korean league noong 2020 bago lumipat sa Niigata Albirex BB sa Japan B.League.

Nagmula si Durham sa kampanya sa B.League para sa Ryukyu Golden Kings.

Show comments