Beermen ilulubog pa ang e-painters

Muling gigiyahan ni CJ Perez ang SMB sa pagsagupa sa Rain or Shine sa Game 3.
PBA Image

MANILA, Philippines — Mamumuro sa isa namang finals appearance ang reigning champion San Miguel Beer kontra sa Rain or Shine habang kakalas sa tabla ang Ginebra at Meralco sa Game 3 ng 2024 PBA Philippine Cup ngayon sa Dasmariñas Arena sa Cavite.

Nakapagtayo ng 2-0 bentahe ang Beermen matapos ang 106-89 panalo sa Game 2 at hindi paaawat kontra sa gigil na makabawing Elasto Pain­ters sa alas-4:30 ng hapon.

Ikalawang sunod na tagumpay din ang nais ng Bolts sa alas-7:30 ng gabi laban sa karibal na Gin Kings matapos ang 103-91 panalo sa Game 2 upang makatabla.

Kung makakaisa pa, makakalapit ng isang hakbang ang SMB sa ikala­wang sunod na finals appearance nito ngayong season matapos ding pagharian ang Commissioner’s Cup.

“So I guess we just have to do the same in Game 3 and keep the energy up and keep on pressing the gas,” ani coach Jorge Gallent.

Nakauna ang Beermen sa Elasto Painters, 101-98, sa Game 1 subalit nahirapan muna sa simula bago tuluyang dikdikin ang mga katapat sa Game 2.

Sa parehong laro ay sumandal ang SMB sa 7-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na nag-rehistro ng 23.3 points, 14.3 rebounds, 3.3 assists at 1.3 blocks upang masungkit ang PBA Press Corps-Pilipinas Live Pla­yer of the Week.

Aasa ng tulong si Fajardo kina CJ Perez, Marcio Lassiter, Don Trollano, Terrence Romeo, Jericho Cruz at Mo Tautuaa sa Game 3 kontra kina Beau Belga, Jhonard Clarito, Santi Santillan, Andrei Caracut, Anton Asistio, Keith Datu at Adrian Nocum ng koponan ni coach Yeng Guiao.

Samantala, mag-uunahan naman sa 2-1 abante ang Ginebra at Meralco.

“It’s so hard to win back-to-back in a series and it’s most especially so against Ginebra,” ani Bolts mentor Luigi Trillo na nakabawi sa Gin Kings matapos ang 92-88 kabiguan sa Game 1.

Babandera sa Meralco sina Chris Newsome, Chris Banchero, Raymond Almazan, Allein Maliksi at Cliff Hodge kontra kina Scottie Thompson, Mav Ahanmisi, Stanley Pringle, Japeth Aguilar at Christian Stanhdardinger na nasa­yang ang career-high na 41 puntos sa Game 2.

Show comments