MANILA, Philippines — Hari na sa wakas ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang Pampanga Giant Lanterns matapos kaldagin ang Bacoor Strikers sa 3-0 sweep ng national finals kamakalawa ng gabi sa Strike Gym sa Cavite.
Naitakas ng Giant Lanterns ang dikit na 82-77 panalo sa Game 3 upang makumpleto ang pagwalis sa best-of-three series at ipagdiwang ang kampeonato nito sa homecourt ng Strikers
Perpekto ang naging kampanya ng Pampanga sa buong playoffs simula nang pagharian ang North Division nang walisin din ang Marikina, Caloocan at San Juan upang makaabante sa national finals kontra sa South Division champion na Bacoor.
Dito, hindi na nagpaawat ang Pampanga sa pangunguna nina Encho Serrano at Archie Concepcion, na bahagi ng Mythical Second Team, na nagsalo sa panapos na 34-24 ratsada nila.
Humakot din ng 11 puntos, 19 rebounds, 5 assists, 3 steals at 1 tapal ang MVP na si Justine Baltazar habang may 13 at 9 puntos sina Kurt Reyson at Michael John Garcia, ayon sa pagkakasunod.