Gilas biyaheng semis

Ang reverse layup ni Gilas Pilipinas guard Jerom Lastimosa laban sa isang Singaporean player.
JM

MANILA, Philippines — Ipinagpag agad ng Gilas Pilipinas men ang maalat na kabiguan kontra sa Cambodia nang tambakan ang Singapore, 105-45, upang makapasok sa semifinals ng 32nd Southeast Asian Games basketball tournament kahapon sa Morodok Techo Stadium Elephant Hall 2 sa Phnom Penh.

Pumukol ng 16 puntos sa apat na tres si Marcio Lassiter upang trangkuhan ang higanteng ganti ng Nationals habang kumamada ng kumpletong 12 puntos, 6 rebounds, 8 assists, 2 steals at 1 tapal si naturalized player Justin Brownlee.

Nagdagdag pa ng 13 markers si CJ Perez, may tig-12 din sina Jerom Lastimosa at Mike Phillips habang somosyo ng 10 si Brandon Ganuelas-Rosser sa balanseng atake ng mga bataan ni coach Chot Reyes.

Bigo ang Gilas sa Cambodia kamakalawa, 79-68, subalit nakasampa pa rin sa Final Four hawak ang 2-1 kartada para sa segunda puwesto ng Group A sa likod ng pambatong host.

Maghihintay pa ang Gilas sa resulta ng Indonesia at Thailand, parehong 2-0 sa Group B, upang malaman kung sino ang No. 1 na makakatapat nila sa semis bukas.

Samantala, tumikada ng 22 puntos si Khate Castillo upang giyahan din ang resbak ng back-to-back champion na Gilas women  sa Vietnam, 116-58, matapos matalo sa unbea­ten na Indonesia, 89-68.

Show comments